Nawalan ng malay sa gitna ng matinding init ang humigit kumulang 40 street dancers dakong alas dos ng hapon nitong Miyerkules, April 24. Ang mga nasabing dancer ay mga kalahok sa taunang Pakol Festival sa bayan ng Santa Catalina, Negros Oriental bilang selebrasyon ng pista ng Sta. Catalina de Alejandria sa nasabing lugar.
Sa kalagitnaan ng selebrasyon, nakaranas ng dehydration at pagkahilo ang mga kalahok na dahilan ng pagkawala ng kanilang malay. May mga manonood din ang hinimatay at nahilo dahil sa 37 degrees Celsius na heat index sa lugar nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Guian Jef Anqui, hepe ng Operations unit ng Sta. Catalina Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, pinaiksi na sa isang kilometro ang ruta ng parada para sa nasabing pista ngunit hindi pa rin ito kinaya ng mga mananayaw.
Inamin niya rin na napakainit ng mga sandaling nangyari ang insidente.
Sa hiwalay na Facebook post ni Julia Arjillo, ibinahagi niya ang ilang mga video at larawan sa gitna ng kaganapan noong April 24.
“Situation right now at Santa Catalina,” ayon sa isang bahagi ng post ni Arjillo.
Nilinaw naman ng MDRRMO Sta. Catalina na matapos lapatan ng paunang lunas ay bumalik din ang mga dancer at manonood upang ituloy ang selebrasyon.