Sinabi ni Senator Shewin “Win” Gatchalian na pinag-aaralan niyang mag-file ng bill na magba-ban ng cellphone sa lahat ng basic educational institution sa bansa upang mas matuonan ng pansin ng mga kabataan ang pag-aaral sa oras ng klase at bumalik ang mga estudyante sa pagkahilig na magbasa ng mga libro.
Sa Kapihan sa Senado media forum nitong Huwebes, ihinayag ni Gatchalian na siya ring chairman ng Senate Committee on Basic Education, na magsabatas ng National Reading Month tuwing buwan ng Nobyembre upang mailayo ang mga kabataan sa pagkakalulong sa paggamit ng gadgets gaya ng cellphone.
“Isa sa mga observations, hindi lang dito sa atin kundi pati na sa ibang bansa, marami sa ating mga bata talagang nalululong na sa paggamit ng cellphone, even sa loob ng classroom. Dapat nagbabasa sila pero nanonood ng Youtube, Tiktok,” paliwanag ni Gatchalian.
Bukod sa pagnanais na ipagbawal ang cellphone sa oras ng klase, nakatakda na ring magpasa ng Senate Bill No. 475 ang nasabing senador na tinatawag ding “National Reading Month” act kung saan layuning mahikayat ang kabataan na kahiligan ulit ang pagbabasa ng mga libro.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa National Reading Month ay kailangang magbigay-diskwento sa mga librong itinitinda at magbigay ng libreng access sa mga library. Ang mga mag-aaral naman ay kailangang makabili ng kahit isang libro na kanilang babasahin kalaunan.