Hinikayat ng batikang manunulat na si Ricky Lee ang mga aspiring writer na huwag mag-ambisyon na maging si Ricky Lee.
Sa meet-and-greet ng National Artist for Film and Broadcast Art sa Philippine Book Festival na ginanap sa World Trade Center noong April 26, pinaalalahanan niya ang mga nais maging manunulat na magkaroon ng sarili nilang identity pagdating sa mundong nais nilang pasukin.
“Huwag kayong mag-ambisyon na maging ‘Ricky Lee,’ na maging ‘Lualhati Bautista…’ Kung ikaw si Robert, mag-ambisyon kang maging si Robert na mahusay na writer,” paalala ng batikang manunulat ng ‘Himala’ na pinagbidahan noon ni Nora Aunor.
“Mag-ambisyon kang maging ikaw na mahusay na writer. Magpatulong ka lang sa amin na ma-inspire, na maka-share, but huwag kayong maging kami. Maging ikaw ‘yun, kung sino ka,” ani Lee sa mga nakigulo sa naturang event.
Si Ricky Lee ang nasa likod ng mga iskrip ng mga pamosong pelikula gaya ng “Anak,” “Jose Rizal,” “Muru-Ami,” “Karnal,” “Nasaan Ka Man,” “Moral,” at nasa mahigit pang 180 films. Bukod dito ay mayroon din siyang mga akdang libro tulad ng scriptwriting manual na “Trip to Quiapo.”